National Solo Parents Day Celebration 2025
- Taytay, Rizal
- May 19
- 2 min read

Ipinagdiwang nitong Mayo 17, 2025 ang National Solo Parents Day na ginanap sa San Juan Gymnasium sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) katuwang ang PESO, PhilHealth at ang Personal Collections.
Layunin ng aktibidad / programa na kilalanin ang mahalagang papel ng mga solo parents sa lipunan at maipabatid ang suporta ng pamahalaan sa kanilang kapakanan at karapatan. Bahagi ng programa ang iba't ibang serbisyong inihandog para sa mga dumalo gaya ng rolling botika, libreng photobooth, at mga impormasyon ukol sa mga benepisyo para sa mga solo parent.
Dumalo rin sa nasabing pagdiriwang sina Mayor Allan Martine De Leon, MPA, Konsehal Joan Calderon, Konsehal Boknay Leonardo, at Councilor-Elect Kiko Esguerra, na nagpahayag ng kanilang mainit na suporta at pasasalamat sa mga solo parent ng bayan.
Kaisa ang Pamahalaang Bayan ng Taytay sa layunin ng selebrasyong ito—na patatagin ang suporta para sa mga pamilyang pinangungunahan ng mga solo parent, at kilalanin ang kanilang kakayahan, sakripisyo, at ambag sa paghubog ng matatag na komunidad.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor De Leon ang kahalagahan ng pagbibigay ng tulong, proteksyon, at oportunidad para sa mga solo parents upang higit silang mapalakas sa pagharap sa kanilang mga responsibilidad. “Ang solo parent ay hindi lamang haligi o ilaw ng tahanan—sila rin ay matatag na haligi ng ating bayan.” pahayag ni Mayor De Leon.
Sa pagtatapos ng programa, muling tiniyak ng MSWDO ang kanilang patuloy na pagtutok sa pagpapalawak ng mga serbisyong nakalaan sa sektor ng solo parent, alinsunod sa Expanded Solo Parents Welfare Act. Inaasahang ang mga ganitong inisyatibo ay lalo pang magpapalalim sa ugnayan ng pamahalaan at ng mga pamilyang higit na nangangailangan ng suporta at pagkalinga.
Comments