81st Liberation Day of Taytay
- Feb 23
- 2 min read

'𝙒𝙖𝙡𝙪𝙢𝙥𝙪’𝙩 𝙞𝙨𝙖𝙣𝙜 𝙩𝙖𝙤𝙣 𝙣𝙖 𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙖𝙠𝙖𝙡𝙞𝙡𝙞𝙥𝙖𝙨, 𝙢𝙞𝙣𝙨𝙖𝙣𝙜 𝙩𝙪𝙢𝙞𝙣𝙙𝙞𝙜 𝙖𝙣𝙜 𝙗𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙏𝙖𝙮𝙩𝙖𝙮 𝙨𝙖 𝙥𝙖𝙜𝙞𝙩𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙙𝙞𝙡𝙞𝙢 𝙖𝙩 𝙠𝙖𝙡𝙖𝙮𝙖𝙖𝙣. 𝙏𝙪𝙡𝙪𝙮𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙖𝙥𝙖𝙡𝙖𝙮𝙖 𝙖𝙣𝙜 𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙢𝙞𝙣𝙖𝙢𝙖𝙝𝙖𝙡 𝙣𝙖 𝙗𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙢𝙪𝙡𝙖 𝙨𝙖 𝙥𝙖𝙣𝙖𝙣𝙖𝙠𝙤𝙥 𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙃𝙖𝙥𝙤𝙣—𝙞𝙨𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙖𝙠𝙖𝙨𝙖𝙮𝙨𝙖𝙮𝙖𝙣𝙜 𝙩𝙖𝙜𝙪𝙢𝙥𝙖𝙮 𝙣𝙖 𝙣𝙜𝙖𝙮𝙤𝙣 𝙖𝙮 𝙞𝙥𝙞𝙣𝙖𝙜𝙙𝙞𝙧𝙞𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙖𝙩𝙞𝙣 𝙗𝙞𝙡𝙖𝙣𝙜 𝙖𝙩𝙞𝙣𝙜 𝙇𝙞𝙗𝙚𝙧𝙖𝙩𝙞𝙤𝙣 𝘿𝙖𝙮.'
Nitong Pebrero 22, 2026, ipinagdiwang ang ika-81st taon ng Liberation ng Taytay mula sa pananakop ng Hapon. Ang paglayang ito ay ginugunita at lubos na pinapasalamatan ng bayan ng Taytay.
Isang makahulugang programa ang ginanap sa Taytay Veteran's Park na dinaluhan ni Mayor Allan Martine De Leon, MPA kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga opisyal mula sa iba’t ibang barangay, at ang mga 'Sons and Daughters' ng ating mga beterano.
Courtesy: Mayor Allan De Leon and Taytay Public Information Office
Tampok din ang makasaysayang reenactment ng Liberation ng Taytay mula sa Republica Filipina Reenactment Group, na nagbigay-buhay sa mga pangyayaring naghatid sa atin sa kalayaan.
Kasaysayan

Noong nasa gitna ng pambobomba at karahasang dumagan sa buong Rizal, hindi kailanman sumuko ang tapang ng mga Pilipino. Mula mismo sa ating komunidad ay tumindig ang mga gerilya—ang Hunters ROTC, Marking’s Fil-American Troops (MFAT)—na nagsanib-puwersa sa matatapang na kawal ng 42nd Infantry Division ng Philippine Army, 4th Infantry Regiment ng Philippine Constabulary, at ang matatag na 1st Cavalry Division. Sama-sama nilang winasak ang presensya ng kaaway at muling binawi ang ating lupang tinubuan.
Ang kanilang kabayanihan ang nagbigay saysay sa paglaya ng Taytay, at ang kanilang sakripisyo ang nag-ukit sa petsang Pebrero 22, 1945 bilang araw ng ating paglaya. Kinilala ito ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), at mula noon ay ipinagdiriwang natin ang araw na ito bilang paalala ng katapangan at pagkakaisa ng ating mga ninuno.
Maaring bisitahin ang karagdagang detalye ng kasaysayan sa pamamagitan ng post ni taytaynijuan.me website.
Bilang bahagi ng programa at pagpupugay, nag-alay rin ng bulaklak at nag-sindi ng kandila para sa ating mga yumaong beterano—mga bayaning hindi kailanman malilimutan.
Courtesy: Mayor Allan De Leon
Hindi lamang natin inaalala—pinararangalan natin ang mga Pilipinong beteranong lumaban sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na ibinuwis ang lahat upang tayo’y mamuhay nang malaya.
Buong puso rin tayong nagpapasalamat—sa paglaya ng ating bayan, sa dugong dumanak upang tayo’y maging malaya, at sa kalayaang tinatamasa natin ngayon na bunga ng kanilang sakripisyo.
Nawa’y ang pagdiriwang na ito ay magpaliyab ng mas masidhing pagmamahal sa bayan, mas malalim na pasasalamat, at mas matatag na paninindigan para sa kalayaang ipinaglaban ng ating mga ninuno.


































































Comments