Forum on Taytay Threads the Future: Improving Logistics for the Garments Industry
- Taytay, Rizal
- Aug 8
- 2 min read

Isinagawa nitong nakaraang Agosto 7, 2025 ang isang forum na pinangunahan ng Local Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO) ng ating Pamahalaang bayan, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), mga kinatawan mula sa garments industry, at iba’t ibang sektor ng negosyo. Layunin ng pagtitipon na isulong ang digital transformation at palakasin ang logistics support para sa lumalawak na garments industry ng Taytay.
Dumalo rin sa naturang forum sina DTI Undersecretary Mary Jean Pacheco, DTI - Rizal Provincial Director Cleotilde Duran, Councilor Rulf Marius Valera, Councilor Kiko Esguerra, at Municipal Administrator Atty. Daven Mendoza, MPA bilang kinatawan ng Pamahalaang Bayan ng Taytay, mga kinatawan mula sa BAGPI at IGPAI - na kumakatawan sa garments industry ng Taytay, gayundin ang mga kasapi mula sa pribadong sektor na nagpahayag ng suporta sa mga inisyatibang magpapalago sa lokal na ekonomiya.
Pinangunahan ang talakayan ni DTI Undersecretary Mary Jean Pacheco mula sa Supply Chain and Logistics Group (SCLG) kung saan ibinahagi niya ang mga inisyatibong layuning paigtingin ang logistics ecosystem sa mga lokal na pamahalaan, partikular sa Bayan ng Taytay. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor upang mas epektibong matugunan ang mga hamon sa supply chain.
Isa sa mga pangunahing paksa ang pagsusulong ng digital payments system para sa mga tiangge sa Taytay. Ibinahagi ng PLDT ang kanilang inisyatiba sa pagbibigay ng digital solutions na layuning gawing mas mabilis, ligtas, at maginhawa ang mga transaksyon ng mga tenant at mamimili.
Courtesy: Taytay Public Information Office
Ipinakilala rin ng RCBC ang kanilang "ATM Go", isang portable at community-based banking service na nagbibigay ng madaling access sa cash withdrawals, balance inquiries, at iba pang financial transactions para sa mga negosyante at mamimili sa tiangge. Bukod sa digitalization, tinalakay din ang planong pagtatayo ng isang logistics center sa Taytay—isang sentralisadong pasilidad na layuning pabilisin ang daloy ng mga produkto, bawasan ang transport costs, at suportahan ang produksyon ng mga lokal na manufacturer sa garments sector.
Taos-pusong pasasalamat kay DTI Undersecretary Mary Jean Pacheco sa kanyang mahalagang ambag sa pagpapaigting ng digital at logistics initiatives para sa Taytay.




























































Comments