DOST - CALABARZON Pinarangalan ang Bayan ng Taytay bilang Katuwang sa Agham, Teknolohiya, at Inobasyon

Lucena City, Quezon – Kinilala ng Department of Science and Technology (DOST) - CALABARZON ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na katuwang ng ahensya sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa agham, teknolohiya, at inobasyon sa ilalim ng Innovation, Science and Technology for Accelerating Regional Technology-Based Development (iSTART) at Smart and Sustainable Communities (SSC) sa ginanap na '4th Smart & Sustainable Communities Conference' sa Lucena City, Quezon.
Kabilang sa limang bayan na pinarangalan ang Bayan ng Taytay, Rizal. Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa aktibong pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng makabago at napapanatiling mga programa para sa kapakanan at pag-unlad ng kanilang mga komunidad.
Layunin ng programang iSTART na tulungan ang mga lokal na pamahalaan na maisama ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa kanilang mga plano, patakaran, at programang pangkaunlaran. Sa pamamagitan nito, mas napapalakas ang kakayahan ng mga pamahalaang lokal na tugunan ang mga hamon sa pamamahala at makapaghatid ng mas episyente at makabagong serbisyong publiko.

Ang iSTART ay nagsisilbing planning arm ng Smart and Sustainable Communities Program at nagsasagawa ng pagpaplano at pagbuo ng mga estratehiya para sa pagpapatupad ng mga proyektong nakabatay sa science, technology, and innovation (STI). Layon nitong gabayan ang mga lokal na pamahalaan sa paglikha ng mga solusyong makatutugon sa kasalukuyan at hinaharap na pangangailangan ng kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at datos.
Patuloy na ipinakikita ng Pamahalaang Bayan ng Taytay ang suporta nito sa mga inisyatibong nagtataguyod ng digital transformation, matalinong pamamahala, at napapanatiling kaunlaran. Ang pagkilalang ito mula sa DOST - CALABARZON ay nagpapatunay sa pangako ng ating bayan na paunlarin ang mga serbisyo at programang makikinabang ang bawat Taytayeño sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon.
Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pakikipagtulungan sa mga pambansang ahensya at iba pang katuwang sa pag-unlad, layunin ng Pamahalaang Bayan na higit pang mapalakas ang mga programang nakatuon sa mas matatag, mas progresibo, at mas sustenableng hinaharap para sa lahat.



















